Caloy humirit ng 2 bronzes sa Asian tilt
MANILA, Philippines — Kumana pa ng dalawang bronze medals si Carlos Yulo sa vault at parallel bars sa 2025 Men’s Artistic Gymnastics Senior Asian Championships na ginaganap sa Jecheon, South Korea.
Bigo ang Paris Olympics double gold medalist na maipagtanggol ang kanyang korona sa vault kung saan naglista ito ng 14.533 points sa first vault at 14.133 sa second vault para sa average na 14.333.
Napasakamay ni Mahdi Olfati ng Iran ang ginto matapos magrehistro ng 14.500 points habang pumangalawa si Huang Mingqi ng China na may 14.400 points.
Nagkasya rin si Yulo sa tanso sa parallel bars bunsod ng nakuha nitong 14.166 points.
Dinomina nina Japanese gymnasts Oka Shinnosuke at Tsunogai Tomoharu ang parallel bars.
Naglista si Oka ng 14.700 points para sa ginto habang nakuha ni Tsunogai ang pilak sa kanyang 14.466 puntos.
Nagtapos sa ikapito si Yulo sa horizontal bar bitbit ang 12.000 points.
Nauna nang humirit ng ginto si Yulo sa floor exercise at tanso sa all-around.
Samantala, Nagkasya sa pilak si Karl Eldrew Yulo sa vault event ng 2025 Men’s Artistic Gymnastics Junior Asian Championships na ginaganap sa parehong venue.
Nagrehistro si Eldrew ng 13.900 sa kanyang unang vault at 13.800 sa ikalawang vault para sa average score na 13.850.
Bigo si Eldrew na madepensahan ang kanyang vault title na nakuha nito noong nakaraang taon sa Tashkent, Uzbekistan.
Napasakamay ni Bak Junwoo ng host South Korea ang gintong medalya na nakakuha ng average na 13.933 points sa dalawang vault nito.
- Latest