Eala kakasa sa French open’

MANILA, Philippines — Hangad ni Alex Eala na magkaroon ng magarbong simula ang debut nito sa isang Grand Slam event kaya’t asahang ibubuhos nito ang lahat sa oras na tumuntong ito sa court ng French Open sa Paris, France.
Target ni Eala na makuha ang unang panalo kung saan makakasagupa nito si world No. 88 Emiliana Arango ng Colombia sa first round ngayong araw.
Magtutuos sina Eala at Arango sa alas-5 ng hapon (oras sa Maynila).
Pakay ni Eala na makaresbak sa Colombian na siyang tumalo sa kanya sa qualifying round ng Miami Open noong nakaraang taon sa Miami, Florida.
Kaya naman asahang ilalabas ng Pinay netter ang lahat ng alas nito para masiguro ang tiket sa second round.
Kung papasok si Eala sa second round, makakaharap nito ang magwawagi kina world No. 51 Anastasia Pavlyuchenkova ng Russia at world No. 8 Zheng Qinwen ng China.
Nakatakda ang laban nina Pavlyuchenkova at Zheng sa parehong oras na alas-5 ng hapon sa hiwalay na court.
Ang Paris Olympics gold medalist na si Zheng ang tumalo kay Eala sa semifinals ng 19th Asian Games na ginanap sa Hangzhou, China noong 2023.
Dahil sa kabiguan, nagkasya lamang si Eala sa bronze medal sa Hangzhou Asian Games.
Masayang nagdiwang ng kanyang ika-20 kaarawan si Eala sa Paris.
May post pa ito sa kanyang social media kung saan nag-dinner ito sa isang restaurant na background ang pamosong Eiffel Tower sa Paris.
Kaliwa’t kanan ang mainit na pagbati para kay Eala mula sa kanyang pamilya, malalapit na kaibigan at mga fans na sumusuporta sa kanya.
Maliban kay Eala, sasabak din si Filipino-Canadian Leyla Fernandez na No. 27 seed sa torneo.
Makakasagupa ni Fernandez sa opening round si Olga Danilovic ng Serbia na kasalukuyang ranked No. 34 sa WTA.
- Latest