NLEX sasampa sa quarterfinals

MANILA, Philippines — Popormalisahin ng rumaratsadang NLEX ang pagpasok sa eight-team quarterfinal round sa pagsagupa sa nagdedepensang Meralco sa Season 49 PBA Philippine Cup.
Haharapin ng Road Warriors ang Bolts ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang lasingan ng San Miguel Beermen at Blackwater Bossing sa alas-5 ng hapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Itinaas ng NLEX ang kanilang baraha sa 6-1 matapos talunin ang Converge, 88-83, para sa ikaanim na sunod na pananalasa.
“Basta kami tuluy-tuloy lang kami. We’re good. We’re playing well. Alam naman nating pagdating ng dikdikan, ibang usapan na iyon,” ani coach Jong Uichico sa kanyang tropa.
Kinuryente naman ng Meralco ang Blackwater, 103-85, sa kanilang huling laro para sa 4-5 record at buhayin ang tsansa sa quarterfinals.
Samantala, hindi magkukumpiyansa ang San Miguel (5-2) sa pagsagupa sa bumubulusok na Blackwater (1-6).
Nasa isang two-game winning run ang SMB habang bagsak ang Blackwater sa apat na dikit na kamalasan.
Nagmula ang Beermen sa 128-89 pagmasaker sa sibak nang Terrafirma Dyip (1-7), habang nakalasap ang Bossing ng 99-101 kabiguan sa Ginebra Gin Kings (5-2) tampok ang game-winning jumper ni Japeth Aguilar.
- Latest