Belen, Solomon nais maglaro sa abroad
MANILA, Philippines — Bukas na bukas ang pintuan nina National University standouts Bella Belen at Alyssa Solomon sa pagkakataong makapaglaro sa international league matapos ang kanyang mga makulay na kampanya sa UAAP women’s volleyball.
Nagsumite na ng aplikasyon ang three-time UAAP MVP na si Belen sa gaganaping Premier Volleyball League (PVL) Annual Rookie Draft kasama ang katropa nito sa NU na sina middle blockers Erin Pangilinan at Sheena Toring.
Ngunit nilinaw ni Belen na may ibang options pa itong tinitignan ngunit ayaw muna nitong isiwalat ang lahat upang hindi ito maudlot.
“Secret po, charot. Baka ma-jinx,” ani Belen sa programang Power and Play.
Wala pang katiyakan ang pagsabak ni Belen sa draft dahil maaari pang mag-withdraw matapos ang combine na gaganapin mula Mayo 30 hanggang 31. Idaraos naman ang Rookie Draft sa Hunyo 8.
Kasama si Belen sa mga naimbitahan para maglaro sa Alas Pilipinas.
Sumabak na ito sa training ng Alas kasama ang iba pang miyembro ng pool.
Kaya naman ito muna ang pagtutuunan ng pansin ni Belen.
Kabilang sa mga lalahukan ng Alas Pilipinas ang AVC Challenge Cup at ang Southeast Asian V.League.
Sa kabilang banda, mismong si Solomon na ang nagsiwalat kamakailan na plano nitong makapaglaro sa abroad.
Nakatakda sana itong sumalang sa KOVO Draft sa South Korea subalit nag-withdraw ito dahil sa patakarang ipinatutupad ng UAAP.
- Latest