Adamson idedepensa ang SGVL title

MANILA, Philippines — Ipagtatanggol ng Adamson University ang kanilang korona sa paghataw ng 2025 Shakey’s Girls Volleyball Invitational League (SGVIL) sa Mayo 28 sa La Salle Green Hills gym.
Sa likod ni Shaina Nitura, kinumpleto ng Lady Baby Falcons ang six-game sweep para pagreynahan ang premier grassroots volleyball tournament na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R and B Milk Tea.
Ngunit aminado si Adamson head coach JP Yude na mahihirapan silang makamit ang back-to-back titles dahil sa pagkawala ng SGVIL MVP na si Nitura sa Lady Falcons sa collegiate ranks.
“It’s going to be a big test for us. The challenge for us is how to adjust in every situation and every game because we have new players, especially some of them are very young,” ani Yude sa press launch ng third season ng liga sa Shakey’s Malate.
Aasahan ng Lady Baby Falcons sina skipper Abegail Segui, Lhouriz Tuddao at UAAP Season 87 Rookie of the Year Ellaine Gonzalvo sa kampanya sa Pool A ng Division 1 na nagtatampok sa 20 schools mula sa Metro Manila at iba pang rehiyon.
Kasama ng Adamson sa Pool A ang Lyceum of the Philippines University, Naga College Foundation, Emilio Aguinaldo College at University of Perpetual Help.
Ang Pool B ay binubuo ng 2024 runner-up Bacolod Tay Tung, Bethel Academy, De La Salle-Lipa, Chiang Kai Shek College at Holy Rosary College.
Nasa Pool C ang Kings’ Montessori High School, Arellano University, Corpus Christi School, inaugural champion California Academy at De La Salle-Zobel A.
Pamumunuan ng reigning UAAP titlist National University Nazareth School ang Pool D kasama ang Far Eastern University-Diliman, St. John’s Institute-Bacolod, University of the Philippines Integrated School at University of Santo Tomas sa event na itinataguyod ng Mikasa, Asics, Team Rebel Sports, Belo Deo at Smart.
Tampok ngayong edisyon ang Division 2 kung saan ang 10 teams ay hinati sa dalawang grupo.
- Latest