Colombian unang kalaban ni Eala sa French Open

MANILA, Philippines — Mapapalaban agad si Alex Eala sa unang pagsalang nito sa women’s singles ng French Open na magsisimula sa Linggo sa Paris, France.
Sisimulan ni Eala ang kampanya nito kontra kay world No. 88 Emiliana Arango ng Colombia sa first round ng naturang Grand Slam event.Pamilyar na si Eala sa laro ni Arango.Nagharap na ang dalawa sa Miami Open noong Pebrero kung saan dumaan muna sa butas ng karayom si Eala bago maitakas ang 2-6, 7-5, 6-1 panalo laban sa Colombian.
Ngunit ibang usapan na ang French Open na may clay surface kumpara sa hard court ng Miami Open.
Kaya naman walang balak magpakampante si Eala na inaasahang maglalabas ng malakas na puwersa para makuha ang panalo.
Kung papasok sa second round si Eala, makakalaban nito ang mananalo sa pagitan nina eighth seed Zheng Qinwen ng China at Anastasia Pavlyuchenkova ng Russia.
Galing si Eala sa kampanya sa Italian Open sa Rome, Italy kung saan maaga itong namaalam sa sa women’s singles.
Subalit maganda ang ratsada ni Eala sa women’s doubles kapares si world No. 2 Coco Gauff ng Amerika.
Nakaabot ang dalawa sa quarterfinals ngunit hindi pinalad sina Eala at Gauff nang yumuko ang mga ito kina Italian Open doubles champion Sara Errani at Jasmine Paolini ng Italy.
Awtomatikong umusad si Eala sa main draw dahil sa kanyang world ranking sa WTA.
Kasalukuyan itong nasa ika-69 dahilan para hindi na ito dumaan pa sa qualifying para lamang makapasok sa main draw.
- Latest