Kumpirmado laban ni Pacquiao kay Barrios

MANILA, Philippines — Opisyal nang inihayag kahapon ni Pinoy boxing legend Manny Pacquiao ang kanyang paghahamon kay world welterweight champion Mario Barrios.
Nakatakda ang suntukan ng 46-anyos na si Pacquiao (68-8-2, 39 KOs) at ng 30-anyos na si Barrios (29-2-1, 18 KOs) sa Hulyo 19 sa Las Vegas, Nevada.
“I’m back. On July 19, I return to the ring to face WBC Welterweight Champion Mario Barrios at the MGM Grand in Las Vegas. Let’s make history,” wika ni Pacquiao sa Instagram.
Determinado ang dating world eight-division champion na agawan ng World Boxing Council (WBC) welterweight crown si Barrios.
Kasalukuyang No. 5 si Pacquiao sa WBC welterweight ratings.
Huling lumaban si Pacquiao noong Agosto ng 2021 kung saan siya natalo kay Cuban Yordenis Ugas via unanimous decision para sa World Boxing Association (WBA) welterweight belt.
Nauwi naman sa draw ang huling laban ni Barrios kay Abel Ramos noong Nobyembre.
Kasalukuyan nang nagpapakondisyon si Pacquiao sa Wild Card Boxing Gym ni coach Freddie Roach kasama si Pinoy trainer Buboy Fernandez.
Kasabay ni Pacquiao sa pag-eensayo ang anak na si Jimuel na gagawin ang professional debut sa undercard ng laban ni ‘Pacman’ kay Barrios.
Pangarap ng 24-anyos na si Jimuel na sundan ang yapak ng ama.
- Latest