Gilas sasagupa sa Chinese-Taipei sa FIBA Asia Cup

MANILA, Philippines — Mapapalaban kaagad ang Gilas Pilipinas sa 2025 FIBA Asia Cup sa Agosto 5 hanggang 17 sa King Abdullash Sports City sa Jeddah, Saudi Arabia.
Sa inilabas na schedule ng mga organizers, unang makakalaban ng Gilas Pilipinas ang Chinese-Taipei sa Agosto 6.
Nagtagpo na ang Gilas Pilipinas at Chinese-Taipei sa FIBA Asia Cup qualifiers kung saan may 1-1 head-to-head ito.
Unang nanalo ang Gilas Pilipinas noong Pebrero 25, 2024 matapos itarak ang 106-53 demolisyon sa Chinese-taipei sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Subalit malakas na lineup ang ipinarada ng Chinese-Taipei sa kanilang ikalawang paghaharap noong Pebrero 20, 2025 kung saan inilista nito ang 91-84 panalo laban sa Pinoy squad sa labang ginanap sa Taipei, Taiwan.
Inaabangan na rin ang muling paghaharap ng Gilas Pilipinas at New Zealand na mayroon ding 1-1 head-to-head sa FIBA Asia Cup qualifiers.
Makakasagupa ng Gilas Pilipinas ang New Zealand sa Agosto 8.
Matatandaang ginulantang ng Gilas Pilipinas ang New Zealand noong Nobyembre 21 matapos kubrahin ang 93-89 panalo sa MOA Arena sa Pasay City.
Malaki ang kontribusyon ni Kai Sotto.
Subalit nakabawi ang Tall Blacks sa final window ng qualifiers nang irehistro nito ang 87-70 demolisyon kontra sa Gilas noong Pebrero 23 sa Auckland, New Zealand.
Target ng Gilas Pilipinas na makuha ang No. 1 spot sa Group D para awtomatiko itong makapasok sa quarterfinals.
- Latest