Ginebra, NLEX itutuloy ang arangkada

MANILA, Philippines — Itatagay ng Barangay Ginebra ang ikatlong sunod na panalo sa pagharap sa bumubulusok na Blackwater sa Season 49 PBA Philippine Cup
Lalasingin ng Gin Kings ang Bossing ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang bakbakan ng NLEX Road Warriors at Converge FiberXers sa alas-5 ng hapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Solo pa rin ng Magnolia ang liderato bitbit ang 6-1 record kasunod ang NLEX (5-1), San Miguel (5-2), Ginebra (4-2), Converge (5-3), TNT Tropang 5G (4-3), Rain or Shine (4-3), nagdedepensang Meralco (4-5), Phoenix (2-5), NorthPort (1-5), Blackwater (1-5) at sibak nang Terrafirma (1-7).
Umiskor ang Gin Kings ng 85-66 panalo sa FiberXers at 119-112 paggupo sa Fuel Masters.
“Things are looking good. We’re getting better, and this is the first time we’ve been able to put back-to-back games together. That’s really important to us,” sabi ni Ginebra coach Tim Cone sa kanyang ‘never-say-die’ team na lumakas ang tsansa sa Top Four.
Ang makakasama sa grupo ang bibigyan ng ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinals.
Bagsak naman ang Bossing sa ikatlong dikit na kamalasan kasama ang 85-103 kabiguan sa Bolts noong Miyerkules.
Samantala, ang ikaanim na sunod na ratsada ang gustong gawin ng Road Warriors laban sa FiberXers.
““Maliit kami pero malaki ang puso. Because rebounding, I think, is other than technique. Iyong gusto mong mag-rebound eh,” sabi ni NLEX coach Jong Uichico sa mas malalaking Converge.
- Latest