Semis spot target ng Perpetual
MANILA, Philippines — Wala ng habol ang University of Perpetual Help System DALTA sa ‘twice-to-beat’ incentive na ibibigay sa top two teams pagkatapos ng double round robin eliminations ng NCAA Season 100 women’s volleyball tournament.
Pero may pag-asa pa ang Lady Altas na makapasok sa semifinals kaya tiyak na gagawin nila ang lahat para makuha ang panalo kontra Jose Rizal University ngayong alas-2:30 ng hapon sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan City.
Tangan ng Perpetual ang 9-6 karta, nasa pang-lima sila ng team standings at dahil may tatlo pang laro ang nalalabi ay puwede pa nilang mahabol ang No. 3 Mapua University, (11-5) at No. 4 Arellano University (11-6).
Ipaparada ng Lady Altas ang kanilang kamador na si Shaila Allaine Omipon para iharap sa mga pambato ng Lady Bombers.
Bukod kay Omipon ay sasandalan din ni Perpetual coach Sandy Rieta sina Camille Bustamante, Winnie Bedana, Pauline May Reyes at Geraldine Rae Palacio.
Wala nang pag-asa ang Lady Bombers (2-14) na makalaro sa Final Four.
- Latest