16-year age gap kay Barrios, balewala kay Pacquiao

MANILA, Philippines — Hindi nasisindak si eight-division world champion Manny Pacquiao kahit mas bata pa sa kaniya si World Boxing Council (WBC) welterweight champion Mario Barrios.
Muling sasabak sa professional boxing si Pacquiao matapos ang ilang taon na pagreretiro nito kung saan haharapin nito si Barrios sa Hulyo 19 sa Las Vegas, Nevada.
Marami ang nasorpresa sa desisyon ni Pacquiao na bumalik sa ring lalo pa’t hindi na ito bata.
Nasa 46-anyos na si Pacquiao.
At hindi hamak na mas bata si Barrios na kasalukuyan lamang na nasa 30-anyos at nasa peak ng kaniyang career.
Subalit hindi natatakot si Pacquiao at handa itong sagupain ang panibagong laban na haharapin nito.
“Don’t worry about it,” ani Pacquiao sa panayam ng Fight Hype.
Dahil dito, desidido si Pacquiao na muling ibuhos ang kaniyang atensiyon sa pagsasanay para masiguro na nasa perpektong kundisyon ito bago ang laban.
Galing si Pacquiao sa pagkatalo sa midterm elections kung saan bigo itong makapasok sa Top 12 sa Senatorial race.
Kaya naman tututukan na nito ang training camp para sa kaniyang July fight.
Dumating na sa Amerika si Pacquiao kung saan nakasama nito sa kaniyang unang araw sa training si veteran American trainer Freddie Roach.
Nag-post pa si Roach ng larawan kasama si Pacquiao sa Wild Card Gym sa California.
“Yesterday was another great day Manny Pacquiao. It’s great to see everyone againt,” ani Roach sa kaniyang post sa social media.
Sumalang sa magagaang na workout si Pacquiao at inaasahang mas magiging matindi ang training camp nito sa mga susunod na araw.
- Latest