Eala No. 69 na sa WTA

MANILA, Philippines — Patuloy ang pagsulong ni Pinay netter Alex Eala sa world ranking ng WTA matapos ang magandang ipinamalas nito sa mga nakalipas na torneo.
Umangat sa panibagong career-high na No. 69 si Eala base sa inilabas na latest ranking ng WTA.
Mas maganda ito kumpara sa kanyang dating puwesto na No. 70.
Magandang regalo ito para kay Eala na nakatakdang magdiwang ng ika-20 kaarawan sa Mayo 23.
Sariwa pa si Eala sa kampanya sa katatapos na Italian Open na ginanap sa Rome, Italy.
Nakaabot sa quarterfinals si Eala sa women’s doubles kung saan kapares nito si dating US Open champion Coco Gauff ng Amerika.
Bigo sina Eala at Gauff na makahirit ng tiket sa semis matapos yumuko kina Sara Errani at Jasmine Paolini ng Italy sa iskor na 5-7, 3-6, 7-10.
Napasakamay nina Errani at Paolini ang women’s doubles title.
Si Paolini naman ang itinanghal na kampeon sa singles matapos talunin si Gauff sa finals.
Sa singles, hindi pinalad si Eala nang matalo ito kay world No. 26 Marta Kostyuk ng Ukraine.
Nagpasalamat si Eala sa lahat ng sumusuporta sa kanyang bawat laban.
“I would like ot thank everyone for the support,” ani Eala.
Sunod na pagtutunan ng pansin ni Eala ang pagsabak nito sa French Open na magsisimula sa huling bahagi ng buwan sa Paris, France.
- Latest