Win No. 4 ikokonekta ng TNT vs Rain or Shine

MANILA, Philippines — Ang ikaapat na sunod na ratsada ang target ng TNT Tropang 5G, habang ang makabangon mula sa dalawang dikit na kamalasan ang gagawin ng nagdedepensang Meralco sa Season 49 PBA Philippine Cup.
Lalabanan ng Tropang 5G ang Rain or Shine Elasto Painters ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang bakbakan ng Bolts at Blackwater Bossing sa alas-5 ng hapon sa Ynares Center sa Antipolo City, Rizal.
Nangunguna pa rin ang Magnolia bitbit ang 6-1 record kasunod ang NLEX (5-1), San Miguel (5-2), Barangay Ginebra (4-2), Rain or Shine (4-2), Converge (5-3), TNT (3-3), Meralco (3-5), Phoenix (2-5), Blackwater (1-4), NorthPort (1-5) at Terrafirma (1-7).
Huling biniktima ng Tropang 5G ang Bolts, 101-84, tampok ang kanilang 16 three-points shots, habang tinalo ng Elasto Painters ang Hotshots, 119-105, para sa unang kabiguan ng huli.
“Ang importante lang sa akin is maglaro kami every game with intensity, determination na manalo palagi at ang importante talaga sa akin is manalo talaga kami,” ani TNT guard Calvin Oftana na nagtala ng 28 points kasama ang limang triples laban sa Meralco.
Puntirya naman ng Rain or Shine ang ikatlong sunod na arangkada para palakasin ang tsansa sa top four sa eight-team quarterfinal round.
Sa unang laro, pipilitin ng Meralco na tapusin ang kanilang kamalasan sa pakikipagkita sa Blackwater na kapareho rin nilang nasa two-game losing skid.
“We want to get right for the playoffs. I think with three games to go we have a good chance at that. Kailangan we’ve got to set the tone with what we’re doing,” ani Bolts’ coach Luigi Trillo.
Isisilbi ni Cliff Hodge ang kanyang one-game suspension dahil sa pagbalibag kay Hotshots’ big man Zav Lucero bukod sa multang P100,000.
- Latest