Kai malaki ang papel sa Gilas

MANILA, Philippines — Malaki ang papel ni Kai Sotto sa tangka ng Gilas Pilipinas na makabalik sa FIBA World Cup proper.
Sasabak ang Gilas Pilipinas sa ilang windows ng qualifying tournament kung saan mabigat ang magiging laban nito lalo pa’t ka-grupo ng Pilipinas ang powerhouse teams gaya ng Australia at New Zealand.
Subalit mataas ang kumpiyansa ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone sa laban ng kanyang bataan partikular na kung makababalik sa aksyon si Sotto para sa FIBA World Cup qualifiers.
Wala pang eksaktong petsa kung kailan makapaglalarong muli ang 7-foot-3 Pinoy cager matapos sumailalim sa operasyon dahil sa ACL injury.
Mabilis ang recovery ni Sotto dahil bata pa ito.
Kaya naman posibleng makapaglaro na ito sa first window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers na magsisimula sa Nobyembre.
Hihintayin lamang ang clearance mula sa mga doktok na nagbabantay kay Sotto para mabigyan ito ng go signal na muling makatungtong sa court.
Malaki ang ambag ni Sotto sa Gilas Pilipinas.
Kabilang na rito ang matikas na panalo ng Pinoy squad sa mga malalakas na teams.
Isa na ang 89-80 pananaig ng Gilas sa world No. 6 Latvia sa FIBA Olympic Qualifying Tournament na ginanap sa Riga, Latvia noong 2024.
Nanalo rin ang Gilas Pilipinas kontra sa New Zealand sa pamamagitan ng 93-89 desisyon.
Kaya naman nananatiling optimistiko si Cone na kayang-kayang makipagsabayan ng Gilas sa mga world-class teams.
Napaulat pa na inaasahang makababalik na sa paglalaro si Sotto sa Oktubre ngunit ayaw ni Cone na madaliin ito upang masiguro na nasa perpektong kundisyon ito bago muling maglaro.
Makakasama ng Gilas sa FIBA World Cup Asian Qualifiers ang Australia, New Zealand at Guam.
- Latest