Magnolia didikit sa Top 4

MANILA, Philippines — Lalapit ang Magnolia sa top four sa quarterfinals sa pagsagupa sa mapanganib na Rain or Shine sa Season 49 PBA Philippine Cup sa Ynares Center sa Montalban, Rizal.
Haharapin ng Hotshots ang Elasto Painters ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang bakbakan ng San Miguel Beermen at kulelat na Terrafirma Dyip sa alas-5 ng hapon.
Ang mga tropang uupo sa top four sa quarterfinals ay magkakaroon ng ‘twice-to-beat’ incentive laban sa kukuha sa No. 8, 7, 6 at 5 spot.
Bumabandera ang Magnolia tangan ang 6-0 record kasunod ang NLEX (5-1), San Miguel (4-2), Barangay Ginebra (4-2), Converge (5-3), Rain or Shine (3-2), TNT Tropang 5G (3-3), nagdedepensang Meralco (3-5), Phoenix (2-5), Blackwater (1-4), NorthPort (1-5) at Terrafirma (1-5).
Nagmula ang Hotshots sa 117-92 pagpapatumba sa Bolts tampok ang apat na four-point shots ni Paul Lee para tumapos na may 27 points.
“Actually, malaking bagay sa amin kasi ‘yung rotation namin, humahaba at doon, ‘yung trust nabubuo,” sabi ni Lee. “Hopefully, ma-keep namin ‘yung ganitong pace kasi ‘yung sistema namin ngayon, mabilis talaga. Credit talaga sa lahat.”
Umiskor naman ang Elasto Painters ng 120-106 panalo sa Bossing sa huli nilang laro.
Sa unang laro, itatagay ng Beermen ang ikalawang sunod na panalo habang pilit na tatapusin ng Dyip ang anim na dikit nilang kabiguan.
- Latest