Alinsug handa nang trumangko sa NU

MANILA, Philippines — Handa na si Finals Most Valuable Player Evangeline Alinsug na pamunuan ang National University sa susunod na season.
Ipinakita ni Alinsug ang kanyang tikas nang tulungan nito ang Lady Bulldogs na sikwatin ang back-to-back titles sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament nang kalusin nila ang De La Salle University, 25-19, 25-18, 25-19 sa Game 2 ng kanilang best-of-three series na nilaro sa SM mall of Asia Arena sa Pasay City noong Miyerkules ng gabi.
Malaki ang naitulong ni Alinsug para masungkit ng NU ang pangatlong korona sa apat na seasons at mabigyan ng matingkad na kulay ang huling taong paglalaro nina three-time MVP Bella Belen, Alyssa Solomon, Erin Pangilinan, at Sheena Toring sa kanilang collegiate career.
“I think yes po (it’s our time to shine na). Kasi, knowing na aalis na talaga sila,” patungkol ng 5-foot-7 outside hitter na si Alinsug sa apat na nabanggit na graduating players.
Ayon kay Alinsug nais din nilang maipagpatuloy ang winning tradition ng Lady Bulldogs kahit wala na ang kanilang senior players.
“Alam ko rin na kahit wala na yung seniors namin sa first six, madaming mawawala, meron ding mas malakas pa na papalit and paghihirapan naman namin yun hanggang sa mag-season ulit,” ani Alinsug.
Tumikada si Alinsug ng 10 points sa Game 2, pinamunuan ni Belen ang opensa para sa NU sa nirehistrong 18 puntos, 13 ang binakas ni Solomon.
Makakasama ni Alinsug ang co-finals MVP na sina libero Shaira Jardio at senior setter Camilla Lamina para akbayan ang koponan sa Season 88.
Ang ibang naiwan na players ng NU ay sina Arah Panique, Chams Maaya, Alexa Mata, Celine Marsh, at Kaye Bombita.
- Latest