Suarez nagsampa ng formal appeal

MANILA, Philippines — Kagaya ng inaasahan, hindi basta-basta matatanggap ng kampo ni Charly Suarez ang kontrobersyal na pagkatalo ng Pinoy challenger kay WBO junior lightweight champion Emmanuel Navarrete noong Linggo sa San Diego, California.
Isang formal appeal ang isinampa ng kampo ni Suarez sa California State Athletic Commission para baligtarin ang desisyon sa panalo ni Navarrete.
Sa apela ni Suarez sa komisyon ay hinihiling niyang ideklara siyang panalo via technical knockout (TKO) o ituring na isang no-contest ang kanilang laban na ginawa sa Pechanga Arena sa San Diego.
Inihinto ni referee Edward Collantes ang nasabing 12-round world title fight sa Round 8 nang ideklara ng ring doctors na hindi na makakalaban si Navarrete dahil sa putok sa kaliwang kilay nito na nangyari sa Round 6.
Itinuring ni Collantes na galing sa isang headbutt ang nasabing sugat ng Mexican.
Ngunit kitang-kita naman sa slow-mo replay na nakakonekta ng isang solidong kaliwa si Suarez (18-1-0, 10 KOs) sa kaliwang kilay ni Navarrete (40-2-1, 32 KOs) bago ang banggaan nila ng ulo.
Itinakda sa Hunyo 2 ang pagdinig ng California State Athletic Commission sa nasabing apela ni Suarez.
- Latest