Gilas pasok sa Group A ng FIBA World Cup Qualifiers
MANILA, Philippines — Mapapalaban ang Gilas Pilipinas sa Asian qualifying tournament para sa 2027 FIBA World Cup na idaraos sa Doha, Qatar.
Isinagawa ng FIBA ang drawing of lots sa Doha, Qatar kung saan nasa Group A ang Gilas Pilipinas kasama ang Oceania powerhouse teams na Australia at New Zealand.
Kasama rin sa grupo ang Guam.
Lalarga ang first window sa Nobyembre 28 hanggang Disyembre 1.
Unang makakasagupa ng Gilas Pilipinas ang New Zealand sa Nobyembre 28 at sa Disyembre 1 sa pamamagitan ng home-and-away format.
Magpapatuloy ang qualifiers sa Pebrero 26 kung saan makakaharap naman ng Gilas Pilipinas ang Guam kasunod ang Australia sa Marso 1.
Lalarga naman ang final window sa Hulyo 3 hanggang 6 sa 2026 kung saan muling makakalaban ng Gilas ang Guam sa Hulyo 3 at ang Australia sa Hulyo 6.
Ang tatlong mangungunang koponan ang uusad sa second round ng qualifying tournament.
Nasa Group B naman ang China, Japan, Korea at Chinese Taipei habang Group C ang three-time FIBA Asia Cup champion Iran, Iraq, Syria at Jordan.
Hahataw naman sa Group D ang Saudi Arabia, Lebanon, India at 2027 FIBA World Cup host Qatar.
Target ng Gilas Pilipinas na malampasan ang 24th place finish nito noong 2023 edisyon kung saan ginanap sa Pilipinas ang ilan sa group stage games at ang final round ng FIBA World Cup.
Hangad din ng Gilas Pilipinas na maipagpatuloy ang appearance nito sa FIBA World Cup.
Subalit daraan muna sa matinding pagsubok ang Gilas Pilipinas bago makahirit ng tiket sa World Cup proper.
Kaya naman inaasahang ikinakasa na ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone ang game plan nito para sa qualifiers.
- Latest