Pacers biyaheng East Conference Finals
CLEVELAND — Nagpasabog si Tyrese Haliburton ng 31 points sa 114-105 pagsibak ng Indiana Pacers sa Cavaliers sa Game 5 at isara ang kanilang Eastern Conference semifinals showdown sa 4-1.
Nagdagdag si Pascal Siakam ng 21 markers sa pagsampa ng Pacers sa ikalawang sunod na conference finals kung saan nila haharapin ang mananalo sa semis duel ng nagdedepensang Boston Celtics at New York Knicks.
Angat ang Knicks sa Celtics sa 3-1.
Bumangon ang Indiana mula sa isang 19-point deficit sa first half bago maagaw ang kalamangan sa third period patungo sa pagpapatalsik sa Cleveland.
Pinamunuan ni Donovan Mitchell ang Cavaliers sa kanyang 35 points habang humakot si Evan Mobley ng 24 points at 11 rebounds.
Sa Oklahoma City, bumira si Shai Gilgeous-Alexander ng 31 points para pamunuan ang Thunder sa 112-105 pagdaig sa Denver Nuggets sa Game 5 at agawin ang 3-2 lead sa kanilang Western Conference semifinal series.
Nalampasan ng Oklahoma City ang 44 points at 15 rebounds na kinamada ni Nikola Jokic para sa Denver na maaari nang tapusin ang kanilang duwelo sa Game 6 bukas.
- Latest