Eala, Gauff pasok sa quarterfinals ng Italian Open

MANILA, Philippines — Hindi maawat sina Pinay netter Alex Eala at American player Coco Gauff matapos makasiguro ng tiket sa quarterfinals ng Italian Open kagabi na ginaganap sa Rome, Italy.
Hindi nakaporma sa tambalan nina Eala at Gauff sina Lisa Pigato at Tyra Caterina Grant ng Italy matapos itarak ang 6-2, 6-3 demolisyon sa Round-of-16.
Nagtala sina Eala at Gauff ng tatlong aces habang mayroon itong 69 percent efficiency sa first serve.
Nagrehistro pa ang dalawa ng apat na break points.
Nauna nang tinalo nina Eala at Gauff sina Russian Alexandra Panova at Hungarian Fanny Stollar sa pamamagitan ng 6-3, 6-1 desisyon sa first round noong Sabado.
Makakasagupa nina Eala at Gauff sa quarterfinals sina third seeds Sara Errani at Jasmine Paolini ng Italy na nagsumite naman ng 6-4, 4-6, 10-7 panalo laban kina Leyla Fernandez ng Canada at Yulia Putintseva ng Kazakhstan.
Patuloy ang pag-angat ni Eala sa world rankings matapos sumampa sa Top 60 sa live ranking ng WTA.
Sa kasalukuyang WTA live ranking, nasa ika-64 na si Eala — anim na puwestong mas mataas sa kanyang career-high na No. 70 sa nakalipas na rankings.
Nakalikom na si Eala ng 897 points para sumulong sa rankings.
Nangunguna si Aryna Sabalenka ng Belarus na may 10,683 points.
Ang 19-anyos na si Eala ang ikalawang teenager na nasa Top 100 ng WTA rankings.
- Latest