Quarterfinal slot puntirya nina Eala, Gauff

MANILA, Philippines — Target nina Alex Eala at world No. 3 Coco Gauff na masungkit ang silya sa quarterfinals ng Italian Open women’s doubles ngayong araw.
Makakasagupa nina Eala sina Lisa Pigato at Tyra Caterina Grant ng Italy sa Round-of-16 ng torneo.
Nais nina Eala at Gauff na madugtungan ang magandang simula nito kung saan inilampaso ng dalawa sina Russian Alexandra Panova at Hungarian Fanny Stollar sa pamamagitan ng 6-3, 6-1 demolisyon noong Sabado.
Ito ang unang pagsasama nina Eala at Gauff sa doubles.
Ikinuwento ni Gauff kung paano sila nagtagpo ni Eala.
Ayon kay Gauff, nagpadala si Eala sa kanya ng mensahe sa social media account nito kung saan inalok ng Pinay netter na makapares nito ang American player sa doubles.
Hindi naman nagdalawang isip pa si Gauff at agad nitong tinanggap ang alok ni Eala.
“She slid in my DMs and asked me to play. And I was like, sure. Why not?” ani Gauff sa isang panayam ng The First Serve.
Inamin ni Gauff na hindi sila orihinal na magkakilala ni Eala.
“We really didn’t know each other, honestly, before in Madrid, I said hi to her for the first time,” ani Gauff.
Sa kabila nito, hindi nakitaan ng problema ang dalawa dahil agad itong nagkaroon ng magandang samahan sa loob at labas ng court.
Nakita pa sa video habang nasa break ang laro nito sa first round na masayang nag-uusap sina Eala at Gauff sa bench.
Saludo rin si Gauff kay Eala partikular na sa makulay na juniors career nito kabilang na ang Grand Slam title sa doubles at dalawang singles titles.
- Latest