Alinsug may pinatunayan sa Game 1
MANILA, Philippines — Maliban sa season-high 21 attack points, masaya si Evangeline Alinsug dahil nakuha nila ang panalo sa Game 1 ng kanilang best-of-three finals ng UAAP Season 87 women’s volleyball tournament.
Pinagpag ng NU ang De La Salle University, 25-17, 25-21, 13-25, 25-17 sa Game 1 noong Linggo sa Araneta Coliseum kaya kapag natimbuwang ulit ng Lady Bulldogs ang Lady Spikers ay masisilo nila ang unang back-to-back titles.
Nakatakdang magharap ang NU at DLSU sa Game 2 bukas ng alas-5 ng hapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City,
“Happy kami na makuha ang Game 1 na pinakaimportante. Tuluy-tuloy lang kasi nagbunga ang six games na training namin,” ani Alinsug.
Isa sa susi ng panalo ng Bustillos-based squad si Mhicaela “Bella” Belen na nagtrabaho ng 19 markers at 15 excellent digs, bumakas din ng siyam na puntos si Alyssa Jae Solomon.
Nagpasikat din sa opensa sina Shaira Jardio sa 29 excellent receptions, 18 digs at Calima Lamina na nilista ang 22 excellent sets para sa Lady Bulldogs.
“Yung game naman hindi natin masabi, talagang yung situation sa third set kailangan lang naming tanggapin then bawi ng fourth set. Yun naman ang pinakamahalaga eh yung maka-recover ka,” ani NU head coach Sherwin Meneses.
Tiyak naman na mapapalaban muli ang Lady Bulldogs bago masungkit ang panalo sa Game 2 dahil nasa isip ng Lady Spikers na makabangon agad upang makahirit ng do-or-die Game 3.
Ipaparada ni Lady Spikers mentor Ramil De Jesus sina Angel Anne Canino, Shevana Laput at Amie Provido para ipantapat sa kamador ng Lady Bulldogs.
- Latest