Finals spot pakay ng Lady Bulldogs
MANILA, Philippines — Nasungkit ng defending champion National University ang top seeding sa pagtatapos ng double round robin maging ang ‘twice-to-beat’ advantage sa Final Four ng UAAP Season 87 women’s volleyball tournament.
Subalit para kay reigning two-time Most Valuable Player Bella Belen, kailangan pang gumanda ang kanilang laro upang masilo ng Lady Bulldogs ang inaasam na korona.
“Personally, masasabi ko hindi pa masyado. Kumbaga, kailangan kada game, nag-i-improve kami kahit kaunti,” sabi ni Belen na nakapagtala ng limang triple-doubles.
Nakatakdang harapin ng NU ang No. 4 seed Far Eastern University ngayong alas-2 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Isang panalo lang ang kailangan ng Lady Bulldogs laban sa Lady Tamaraws para umusad sa championship round.
Makakatuwang ni Belen sa NU sina Alyssa Jae Solomon, Evangeline Alinsug, Minerva Maaya at Erin May Pangilinan.
Inirehistro ng defending champions ang 12-2 karta kaya nasikwat nito ang bonus na ibinibigay sa top two teams pagkatapos ng eliminations.
Pero tiyak na mapapalaban sila sa FEU dahil may matitinding armas din ang mga ito.
May kartang 9-5 ang Lady Tamaraws at tinalo ang La Salle Lady Spikers, 25-20, 28-20, 20-25, 25-23, sa huli nilang laro.
Ibabangga ni FEU head coach Tina Salak sina Faida Bakanke, Gerzel Mary Petallo, Jazlyn Ann Ellarina at Chenie Tagaod.
Maghaharap ang may bitbit na bonus No. 2 De La Salle University kontra sa No. 3 University of Sto. Tomas sa alas-6 ng gabi.
- Latest