Cavs swak sa East semis

MIAMI — Kumamada si Donovan Mitchell ng 22 points at may 19 markers si De’Andre Hunter sa 138-83 pagmasaker ng Cleveland Cavaliers sa Heat sa Game Four at walisin ang kanilang Eastern Conference first-round series sa 4-0.
Nag-ambag si Ty Jerome ng 18 points habang may 17 markers si Evan Mobley at nagkadena si Jarrett Allen ng 14 points, 12 rebounds at 6 steals sa pagpasok ng Cleveland sa semifinals.
“We came out here with a goal in mind,” ani Mitchell.
Pinamunuan ni Nikola Jovic ang Miami sa kanyang 24 points.
Ang 55-point margin ng Cavaliers sa Heat sa Game 4 ang ikaapat na pinakamalaking playoff win.
Ang record ay 58 points sa panalo ng Minneapolis sa St. Louis noong 1956 at sa paggupo ng Denver sa New Orleans noong 2009, habang wagi ang Los Angeles Lakers sa Golden State ng 56 points noong 1973.
Sasagupain ng Cleveland sa semifinals ang mananaig sa serye ng Indiana Pacers at Milwaukee Bucks.
Sa San Francisco, nagsalpak si Jimmy Butler ng tatlong free throws sa huling 58.7 segundo at hinablot ang game-clinching rebound sa natitirang apat na segundo sa 109-106 pagtakas ng Golden State Warriors sa Houston Rockets sa Game Four at kunin ang 3-1 lead sa kanilang Western Conference first-round playoff series.
Kumonekta pa si Butler ng dalawang free throws para tumapos na may 27 points sa kanyang pagbabalik mula sa isang pelvic injury sa paglapit ng Warriors sa semifinals.
- Latest