Letran dumikit sa twice-to-beat
MANILA, Philippines — Nagpakitang gilas sa opensa si Gia Marcel Maquilang matapos nitong akbayan ang Letran sa tuktok ng liderato para kalusin ang Emilio Aguinaldo College 25-21, 25-20, 25-18 sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament na nilaro sa FilOil Arena sa San Juan kahapon.
Bumira si Maquilang ng 13 points lahat galing sa attacks para tulungan ang Lady Knights na tuhugin ang 10-2 card at masolo ang unahan sa team standings.
Dahil sa panalo ay lumalapit ang Intramuros-based squad sa asam nilang makakuha ng twice-to-beat advantage pagkatapos ng elimination round.
Makakakuha ng bonus ang top two teams pagkatapos ng 10-team double round robin, nasa pangalawa ngayon ang defending champion College of Saint Benilde na may 9-2 record.
Sunod na makakalaban ng Lady Knights ang Lyceum of the Philippines University sa Biyernes ng alas-2:30 ng hapon sa parehong lugar.
Samantala, nalasap ng Lady Generals ang pang-siyam na kabiguan sa 12 salang, naka-puwesto sila sa pang-walo.
May tsansa pa naman ang EAC na sumampa sa magic four dahil may anim na laro pa silang nalalabi sa elims pero kailangan nilang maipanalo ito lahat.
Samantala, nagtulungan sa opensa sina Johna Denise Dolorito at Joan Doguna upang pabagsakin ng Lyceum ang Mapua University, 25-16, 25-15, 27-29, 23-25, 15-10 sa limang sets sa ikalawang laro.
- Latest