Lady Chiefs pumuwesto sa magic four
MANILA, Philippines — Nakasampa na sa magic four ang Arellano University matapos nilang kalusin ang Mapua University 26-28, 25-14, 22-25, 25-23, 15-10, sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament na nilaro sa FilOil Arena sa San Juan kahapon.
Tumikada si Laika Tudlasan ng 26 points lahat galing sa spikes upang ilista ang 7-4 karta para sa Lady Chiefs at saluhan sa No. 3 spot ng team standings ang University of Perpetual Help System Dalta at ang kanilang biktima.
Nalagay sa alanganing sitwasyon ang Arellano nang maghabol sila ng isang set matapos ang third frame, subalit nag-init ang opensa nina Tudlasan at Marianne Lei Angelique Padillon upang sikwatin ang panalo sa set 4 at makahirit sila ng deciding fifth set.
Dahil sa panalo ng Arellano, mas naging mainit ang labanan sa top four, puwede pang makahabol sa tuktok ang Lady Chiefs, Lady Cardinals at Lady Altas.
Nag-aagawan sa top spot ang defending champion College of Saint Benilde at Letran na may tig-9-2 baraha.
Samantala, nakatikim na rin ng panalo ang San Beda University matapos nilang sakmalin ang San Sebastian College-Recoletos, 21-25, 25-23, 25-16, 25-13 sa unang laro.
- Latest