Lady Spikers binawian ng Lady Tamaraws

MANILA, Philippines — Nanganganib ang asam na twice-to-beat advantage ng De La Salle University matapos nilang mabigo sa Far Eastern University, 20-25, 26-28, 25-20, 23-25 sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament na nilaro sa Araneta Coliseum kagabi.
Parehong tangan ng DLSU at FEU ang tig-9-5 karta, pero uupuan ng Lady Spikers ang No. 3 spot dahil sa mataas na tiebreak points, lalanding naman sa pang-apat ang Lady Tamaraws.
Pero may tsansa pang masungkit ng DLSU ang No. 2 at masikwat ang natitirang bonus kung matatalo ngayong araw ang UST kontra defending champion National University sa alas-5 ng hapon sa parehong venue.
Kapag natalo ang UST ay magiging 9-5 din ang kanilang baraha at magkakaroon ng playoffs para sa No. 2 kontra Taft-based squad.
Nasikwat na ng Lady Bulldogs ang isang incentive dahil nasiguro na nila ang top seeding, hawak nila ang 11-2 card.
Bumira si Gerzel Mary Petallo ng 19 points mula sa 16 attacks, dalawang service aces at isang block para sa Lady Tamaraws na binawian ang La Salle sa pagkatalo nila sa una nilang pagharap sa first round ng eliminations.
Samantala, pinataob ng Ateneo ang University of the East, 25-21,23-25,25-16, 27-25 sa ikalawang laro.
- Latest