CSB, Letran nagpasolido sa itaas
MANILA, Philippines — Nagpasikat sa opensa si Zamantha Nolasco upang akbayan ang defending champion College of Saint Benilde sa 25-22, 25-12, 25-10 panalo sa Emilio Aguinaldo College sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament na nilaro sa FilOil Arena sa San Juan kahapon.
Umariba si Nolasco ng 16 points mula sa 13 attacks at tatlong blocks upang tulungan ang Taft-based squad na ilista ang 9-2 card at upuan ang No. 1 sa team standings kasosyo ang Letran na nakalusot sa Perpetual Help DALTA System, 27-25, 25-23, 25-21 sa ikalawang laro.
Matapos ang 25-22 panalo sa unang set ay dinomina na ng Lady Blazers ang laro sa sets 2 at 3 upang ipalasap sa Lady Generals ang pang-walong talo sa 11 laro.
Kumana rin sina Wielyn Estoque, Francis Mycah Go at Shahanna Rheign Lleses ng 8,7 at 6 na puntos, ayon sa pagkakasunod para sa Lady Blazers.
Sa kabilang banda, sumandig ang Letran sa tikas ni Sheena Vanessa Sarie na tumikada ng 14 puntos para ipatikim sa Lady Altas ang 7-4 kartada.
Nakatuwang ni Sarie si Gia Marcel Maguilang na nilista ang 14 points lahat galing sa kills.
- Latest