La Salle ibubulsa ang bonus
MANILA, Philippines — Puntirya ng De La Salle University na panain ang natitirang twice-to-beat advantage kaya sisikapin nilang makuha ang panalo pagharap nila sa Far Eastern University sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament ngayong araw sa Araneta Coliseum.
Magsisimula ang paluan ng bola sa pagitan ng DLSU at FEU sa alas-3 ng hapon pagkatapos ng bakbakan ng Ateneo at University of the East sa ala-1 ng hapon.
Mahigpit ang labanan sa No. 2 spot ng team standings kung saan ay kasalo ng Lady Spikers ang University of Sto. Tomas na may tig 9-4 baraha habang 8-5 ang tangan ng nasa No. 4 na Far Eastern University.
Nasungkit na ng defending champion National University ang isang bonus matapos masiguro ang No. 1 seeding pagkatapos ng eight-team double round robin, hawak nila ang 11-2 card.
May makukuhang incentives ang top two teams pagkatapos ng elimination round.
Huhugot ng lakas si DLSU head coach Ramil De Jesus kina dating Rookie/MVP Angel Anne Canino at Shevana Maria Nicola Laput para makuha ang inaasam na importanteng panalo.
Pinana ng Lady Spikers ang Lady Tamaraws, 25-17,25-20, 25-22 sa una nilang pagkikita sa first round kung saan ay tumikada si Laput ng 22 puntos.
Maliban kina Canino at Laput, posibleng mag-ambag sa opensa para sa Taft-based squad sina Amie Provido at AlleiahJan Malaluan.
Sina Faida Bakanke, Chenie Tagaod, Gerzel Mary Petallo at Jazlyn Ann Ellarina ang ipaparada naman ng FEU.
- Latest