Zhetysu sumampa sa AVC semis

MANILA, Philippines — Ginawa na ng PLDT ang lahat, ngunit sadyang matangkad at malakas ang Zhetysu ng Kazakhstan.
Humataw si Tatyana Nikitina ng 17 points at may 11 markers si Karyna Denysova sa 25-13, 25-22, 25-20 pagwalis ng mga Kazakhs sa High Speed Hitters para sumampa sa semifinals ng 2025 AVC Women’s Volleyball Champions Cup kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
“It was a very good game. We had so much fun,” wika ni Denysova.
Ito ang ikatlong sunod na panalo ng nine-time Kazakh champions sa torneo patungo sa semis kung saan nila lalabanan ang mananalo sa pagitan ng Creamline at Nakhon Ratchasima QminC ng Thailand na naglalaro pa kagabi habang isinusulat ito.
Pinamunuan ni Fil-Canadian Savi Davison ang PLDT sa kanyang 12 points habang may 11 markers si Cuban import Wilma Salas.
Nirapido ng mga Kazakhs ang High Speed Hitters sa first set, 25-13, bago inilusot ang second at third frame para selyuhan ang kanilang panalo.
Tinapos ng PLDT ang kanilang kampanya sa 1-2 record kasama ang nag-iisang 25-19, 25-12, 25-12 pagsilat sa Queensland Pirates ng Australia sa pool phase.
Samantala, nakatakdang harapin ng PVL All-Filipino Conference champions Petro Gazz ang Baic Motor ng China ngayong alas-7 ng gabi sa kanilang agawan sa ikaapat na semis spot sa Pasig City venue.
Unang maglalaban ang Kaohsiung Taipower ng Chinese Taipei at VTV Binh Dien Long An ng Vietnam sa alas-4 ng hapon para paglabanan ang ikatlong semis ticket.
- Latest