Gin Kings may pakay sa Beermen
MANILA, Philippines — Tatangkain ng Barangay Ginebra na pulutanin ang sibling rival na San Miguel Beer upang mapalakas ang paghihiganti sa 2025 PBA Philippine Cup ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
Kukulo ang giyera sa alas-7:30 ng gabi para sa main event ng double-header tampok din ang sagupaang Blackwater at NorthPort sa alas-5 ng hapon.
Kagagaling lang ng Ginebra sa 101-80 panalo kontra sa Terrafirma para sa unang salang nito ngayong conference matapos tumaob kontra sa Talk ‘N Text noong nakaraang buwan sa Commissioner’s Cup finals na umabot ng Game 7.
Iyon na ang ikalawang sunod na kabiguan ng Gin Kings sa finals matapos ding matalo sa parehong koponan na TNT noong Game 6 ng Governors’ Cup finale kaya gigil na makabawi ngayong All-Filipino Conference.
Para kay head coach Tim Cone, bahagi ng misyong iyon ang malusutan maging ang Beermen, na hangad ang sariling bawi matapos matanggalan ng trono sa Philippine Cup ng Meralco noong nakaraang taon.
“Our guys are really good at moving forward and moving on. We don’t look back. We are motivated because it’s an all-Filipino and we want to get off and get our feet wet and try to get a win under our belts,” ani Gin Kings mentor Tim Cone.
Para maisakatuparan ito ay gigiya sa paikot ng bote ng Gin Kings sina Japeth Aguilar at Scottie Thompson na nanguna sa 21-point win nila kontra sa Dyip.
Nagliyab sa 30 puntos si Aguilar sahog pa ang 7 rebounds, 2 assists at 4 assists habang may ibinulsang muntikang triple-double na 11 puntos, 13 rebounds at 7 assists si Thompson, kasama na ang 1 steal upang maging pinakabagong miyembreo ng 500-steal PBA club.
Bagama’t nagtamo ulit ng injury ang isa pa nilang alas na si Jeremiah Gray, may maaasahang tulong ang 2 kina Troy Rosario, Maverick Ahanmisi, RJ Abarrientos at Stephen Holt.
Napakawalan ng mga bata ni coach Leo Austria, may 2-1 kartada ngayon, ang liderato matapos matalo sa unbeaten na Magnolia, 98-95.
- Latest