La Salle kinaldag ang Adamson
MANILA, Philippines — Lalong uminit ang labanan para sa natitirang twice-to-beat incentive matapos panain ng De La Salle University ang Adamson University, 25-19, 21-25, 22-25, 25-18, 15-4, sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament na nilaro sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City kagabi.
Umariba sa opensa sina Angel Anne Canino at Shevana Marie Nicola Laput upang tulungan ang Lady Spikers na ilista ang 9-4 record at saluhan ang University of Sto. Tomas sa pangalawang puwesto sa team standings.
Solo sa tuktok ang defending champion National University tangan ang 11-2 card sa tournament na may eight-team double round robin.
Panigurado na sa Lady Bulldogs ang isa sa dalawang twice-to-beat bonus na ibibigay sa top two teams pagkatapos ng eliminations.
Maging ang nasa pang-apat na puwestong Far Eastern University ay may habol din sa bonus na pinag-aagawan dahil may karta silang 8-5 at may natitira pa silang laro.
Nirehistro ni Canino ang 22 points para sa Taft-based squad na susunod nilang makakalaban ang FEU sa Sabado ng alas-3 ng hapon sa Araneta Coliseum.
Nag-ambag si Laput ng 21 markers mula sa 16 attacks, tatlong service aces at dalawang blocks habang 14 ang kinana ni Amie Provido para sa DLSU, ayon sa pagkakasunod.
Kinapos naman ang iniskor na 35 points ni super rookie Shaina Marie Nitura para itaguyod sa panalo ang Lady Falcons na wala ng pag-asang makausad sa semifinals.
May kartang 5-8 ang Lady Falcons at naka-puwesto sila sa No. 6.
- Latest