Debut ng TNT sinagasaan ng NLEX
MANILA, Philippines — Pinurnada ng NLEX ang debut ng TNT TROPANG 5G na asam ang Grand Slam, 91-74, para umangat sa standings ng 2025 PBA Philippine Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Tinambakan ng Road Warriors ang Tropang 5G simula sa second quarter tungo sa dominasyon sa likod ng balanseng atake na giniyahan ni JB Bahio.
Tumabo si Bahio ng double-double na 13 puntos at 12 rebounds sahog pa ang 4 assists para sa NLEX na sinikwat ang ikalawang sunod na tagumpay matapos tumaob sa unang laro kontra sa San Miguel.
Semplang ang NLEX sa SMB, 98-89, bago gulungan ang Rain or Shine, 109-95, bago ang pahinga ng PBA para sa Mahal na Araw.
Ito ang sinakyang momentum ng mga pambato ni coach Jong Uichico tampok ang 26-16 ratsada sa second quarter upang makalayo sa 47-35 sa halftime.
Namaga pa ito hanggang 22 puntos, 91-69, tungo sa 17-point win na naisakatuparan ng NLEX sa tulong din ng tig-13 puntos nina Robert Bolick at Xyrus Torres.
Nagdagdag ng 11 puntos si Javee Mocon para sa kalat na opensa at mala-lintang depensa sa pagtameme sa Tropang Giga.
- Latest