Petro Gazz tukod sa Taipower

MANILA, Philippines — Dapa ang Petro Gazz sa Kaohsiung Taipower ng Chinese Taipei, 15-25, 16-25, 25-19, 20-25, sa Pool B sa kanilang debut sa 2025 AVC Women’s Champions League kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Ito ang unang laro ng Gazz Angels matapos talunin ang Creamline Cool Smashers sa nakaraang 2024-25 PVL All-Filipino Conference championship series.
Humataw si American import Gia Day ng 18 points para banderahan ang Petro Gazz na nakahugot kay PVL AFC Most Valuable Player Brooke Van Sickle ng 12 markers.
Pipilitin nilang makuha ang ikalawang quarterfinals seat sa pagharap sa Hip Hing ng Hong Kong ngayong alas-7 ng gabi.
Inangkin ng Taipower ang unang quarterfinals spot at top seed sa Pool B sa kanilang 2-0 record.
Nagkadena si ace spiker Hsu Wan-Yun ng 18 points, 14 digs at siyam na receptions para sa reigning Taiwan Enterprise Volleyball League runner-up.
Samantala, libreng nakuha ng PLDT ang quarterfinals ticket matapos ang 25-10, 25-16, 25-12 pagwalis ng Nakhon Ratchasima ng Thailand sa Queensland Pirates ng Australia sa Pool D.
May 2-0 record ang six-time Thai champions kasunod ang High Speed Hitters (1-0) at Pirates (0-2) na tinalo rin ng PLDT sa una nitong laro.
Nakatakdang pag-agawan ng PLDT at Nakhon Ratchasima ang No. 1 spot ngayong alas-4 ng hapon kung saan ang mananalo ang sasagupa sa top team sa Pool A na binubuo ng Creamline, Al Naser Club ng Jordan at Zhetysu ng Kazakhstan.
Pumuwesto rin sa quarters ang Beijing Baic Motor sa 22-25, 21-25, 25-19, 25-13, 15-10 pag-eskapo sa VTV Binh Dien Long An ng Vietnam.
Inilista ng Chinese club ang 2-0 baraha sa Pool C.
- Latest