Malabuyo, Finnegan wagi ng medalya sa US NCAA

MANILA, Philippines — Inilatag nina Olympians Emma Malabuyo at Aleah Finnegan ang solidong performance upang makasiguro ng medalya sa US NCAA women’s individual gymnastics championships.
Naibulsa ng Filipino-American na si Malabuyo ang silver medal sa balance beam event kung saan nagtala ito ng 9.9750 puntos.
Si Malabuyo ay bahagi ng University of California, Los Angeles (UCLA) gymnastics team.
Hindi rin nagpahuli si Finnegan na nakahirit naman ng tanso sa floor exercise event.
Nakapagrehistro ang Louisiana State University (LSU) standout ng 9.9375 puntos para makapasok sa podium.
Sa katunayan, tatlo silang bronze medalist sa floor exercise matapos magtala ng parehong puntos sina Skyla Schulte ng Michigan State at Lily Smith ng Georgia.
Sina Finnegan at Malabuyo ay miyembro ng PH team na sumabak sa 2024 Paris Olympics kasama sina Levi Ruivivar at world champion Carlos Edriel Yulo.
Subalit hindi pinalad na makapag-uwi ng medalya sina Finnegan, Malabuyo at Ruivivar habang sumiguro naman ng dalawang gintong medalya si Yulo sa men’s floor exercise at men’s vault events.
Inaasahang raratsadang muli ang national gymnastics team sa 2025 SEA Games na idaraos sa Thailand sa Disyembre.
- Latest