Staunton, Valdez bumida sa Creamline

MANILA, Philippines — Nagtambal sina American import Erica Staunton at Alyssa Valdez para sa 29-27, 25-20, 25-19 pagwalis ng Creamline sa Al Naser Club ng Jordan sa paghataw ng 2025 AVC Women’s Champions League kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Kumana si Staunton ng 17 points mula sa 13 attacks, isang block at tatlong service aces habang may 10 markers si Valdez para sa 1-0 baraha ng Cool Smashers sa Pool A.
May siyam na puntos si Russian spiker Anastasiya Kudryashova kasunod ang walong marka ni Kazakh blocker Anastassiya Kolomoyets para sa 10-time PVL champions.
Nagbigay din ng kanilang ambag sina Jema Galanza, Pangs Panaga at Kylie Negrito para tropa ni coach Sherwin Meneses.
Nakatakdang harapin ng Creamline ang Zhetsyu ng Kazakhstan ngayong alas-7 ng gabi para sa isa sa dalawang quarterfinals berth sa Pool A.
Matapos ang pahirapang 29-27 panalo sa first set ay dinomina ng Cool Smashers ang reigning Jordan Volleyball Premier League champions sa second at third frame
Samantala, pinabagsak ng Kaohsiung Taipower ng Taiwan ang Hip Hing ng Hong Kong, 25-10, 25-16, 25-14, sa Pool B.
Nagtala si Peng Yu-Rou ng 16 points at may 11 markers si Tsai Yu-Chun para sa Taipower, ang nine-time Top Volleyball League champions sa Taiwan league.
Pinatumba naman ng Beijing Baic Motor ng China ang Saipa Tehran ng Iran, 28-26, 25-22, 25-19, sa Pool C.
- Latest