EJ Obiena hahataw sa Diamond League sa Xiamen Leg
MANILA, Philippines — Magbabalik-aksyon si two-time Olympian EJ Obiena sa pagsabak nito sa Diamond League Xiamen Leg sa Abril 26 sa Xiamen, China.
Huling sumabak si Obiena sa Taiwan International Pole Vault Championships kung saan nasungkit nito ang gintong medalya sa kabila ng fog na bumalot sa competition venue sa Sun Moon Lake.
Dahil sa weather condition, nagkasya lamang si Obiena sa 5.50m na marka na nakuha pa nito sa kanyang ikatlong attempt.
Sesentro na ang atensiyon ni Obiena sa Diamond League na magtatampok ng 15 legs sa buong season na ito.
Kaya naman puspusan na ang paghahanda ni Obiena para masigurong nasa perpektog kundisyon ito lalo pa’t lalahok din sa Xiamen Leg ang matitikas na pole vaulters sa mundo.
“Preparations and training has been done in the heat of the Philippines,” ani Obiena sa kanyang post sa social media.
Magiging hadlang sa kampanya ni Obiena si world champion, Olympic champion at world record holder Mondo Duplantis ng Sweden na kasalukuyang may world record na 6.26m.
Kasama rin sa Xiamen Leg sina Paris Olympics silver medalist Sam Kendricks ng Amerika at bronze winner Emmanouil Karalis ng Greece — mga nakalaban ni Obiena sa Paris Games.
- Latest