Unang panalo sa AVC hahatawin ng Cool Smashers, High Speed Hitters

MANILA, Philippines — Unang sasabak ang Creamline at PLDT ngayon bago ang laban ng bagong koronang PVL All-Filipino champion na Petro Gazz bilang kinatawan ng Pilipinas sa 2025 AVC Women’s Champions League sa PhilSports Arena sa Pasig.
Makikipagtuos ang Cool Smashers sa Al Naser Club ng Jordan sa Pool A ng alas-4 ng hapon tsaka ang laban ng High Speed Hitters sa Queensland Pirates ng Australia sa alas-7 ng gabi sa Pool D.
Bukas makikipag-hampasan ang Petro Gazz, sa pangunguna ng PVL MVP na si Brooke Van Sickle kontra sa Kaohsiung Taipower ng Chinese Taipei sa alas-4 ng hapon sa Pool C tampok din ang Hip Hing ng Hong Kong.
Kasali rin sa Pool A ng Creamline ang Zhetysu VC ng Kazakhstan habang kukumpleto sa PLDT at Queensland ang powerhouse Nakhon Ratchasima Qmin VC ng Thailand sa Pool D.
Bago ang debut ng PVL teams, magbabardagulan muna ang Kaohsiung Taipower at Hip Hing sa Pool B sa alas-10 ng umaga habang bakbakan ang Baic Motor ng China at Saipa Tehran ng Iran sa ala-1 ng hapon sa Pool C.
Subalit nasa PVL teams ang atensyon ng lahat lalo na sa Creamline na hangad rin ang matamis na higanti matapos sibakin ng Petro Gazz sa katatapos lang na PVL All-Filipino finals, kung saan hanggang quarterfinals lang nakasampa ang PLDT.
Upang magawa ito ay sasandal ang Creamline sa resident import na si Erica Staunton, na siyang bumida sa kanilang Rein-forced Conference championship tungo sa Grand Slam noong nakaraang season katulong sina Anastassiya Kolomoyets at Anastasya Kudryashova.
- Latest