Rain or Shine diniskaril ang NorthPort

MANILA, Philippines — Nawala man ang double-digit lead ay nakabalik pa rin sa porma ang Rain or Shine para talunin ang NorthPort, 113-96, sa Season 49 PBA Philippine Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Kumolekta si off guard Gian Mamuyac ng 22 points para sa 1-1 kartada ng Elasto Painters.
Nagdagdag si Leonard Santillan ng 17 points at may tig-15 at 10 markers sina Andrei Caracut, Caelan Tiongson at Adrian Nocum, ayon sa pagkakasunod.
Nadiskaril ang hangad na back-to-back wins ng Batang Pier dahil na rin sa hindi paglalaro ni Arvin Tolentino.
“Malaking bagay na wala si Arvin. We actually prepared for Arvin to play today. It’s just a lucky break na hindi siya nakapaglaro,” ani Rain or Shine coach Yeng Guiao sa NorthPort star. “We feel na kapag naglaro siya mag-iiba iyong complexion ng laro.”
Kaagad kinuha ng Elasto Painters ang 31-17 bentahe sa first period patungo sa pagtatala ng 44-29 kalamangan sa second quarter.
Sa likod nina Joshua Munzon at William Navarro ay nakalapit ang Batang Pier sa 52-56 sa pagsisimula ng third period.
Ngunit muling nakalayo ang Rain or Shine sa pagtatapos ng nasabing yugto, 86-75.
Tuluyan nang naiwanan ang NorthPort sa 80-97 sa 7:15 minuto ng final canto galing sa tirada ni Mark Borboran.
Pinamunuan ni Navarro ang Batang Pier sa kanyang 22 points kasunod ang 14 markers ni Munzon.
Magkakaroon ng Holy Week break ang liga at magbabalik sa Abril 23 tampok ang upakan ng TNT Tropang 5G at NLEX sa alas-5 ng hapon at banatan ng Barangay Ginebra at Terrafirma sa alas-7:30 ng gabi sa Big Dome.
- Latest