PLDT High Speed Hitters papalag sa AVC Women’s Champions League

MANILA, Philippines — Mapapalalaban nang husto ang PLDT High Speed Hitters sa 2025 AVC Women’s Champions League na nakatakdang umarangkada sa Linggo sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Nasa ‘group of death’ ang High Speed Hitters kung saan makakasama nito sa Pool D ang mga powerhouse teams Nakhon Ratchasima Qmin VC ng Thailand at Queensland Pirates ng Australia.
Dalawang teams lamang ang papasok sa quarterfinal round ng torneo.
Dahil dito ay kailangan ng High Speed Hitters na makuha ang isang panalo upang mapalakas ang tsansa nitong makapasok sa knockout round.
Nasa No. 13 sa world ranking ang Nakhon Ratchasima, habang No. 55 naman ang Queensland.
Ngunit hindi nasisindak ang High Speed Hitters na handang makipagsabayan sa matitikas na karibal nito lalo pa at ito ang kanilang unang international tournament bilang isang club team.
“We’ve learned from the tough losses, and now we get to turn that into something better. This is a big opportunity for us to showcase what we can do on a different stage,” ani Savannah Davison.
Maliban kay Davison na sariwa pa sa matamis na pagkopo ng Best Outside Hitter award sa katatapos na Premier Volleyball League All-Filipino Conference ay aasahan ng PLDT si Cuban import Wilma Salas.
Kabisado na ni Salas ang mga laro ng Pinoy kaya’t inaasahang magiging mabilis lang ang pagbuo nito ng chemistry kasama ang High Speed Hitters.
- Latest