Beermen, Hotshots unahan sa liderato

MANILA, Philippines — Pag-aagawan ng San Miguel at Magnolia ang solong liderato, habang ang ikalawang sunod na panalo ang hangad ng NorthPort sa pagsagupa sa Rain or Shine sa Season 49 PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Magtatagpo ang Beermen at Hotshots ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang banggaan ng Batang Pier at Elasto Painters sa alas-5 ng hapon.
Tabla sa itaas ng team standings ang San Miguel at Magnolia sa parehong 2-0 record, samantalang laglag sa 2-2 ang nagdedepensang Meralco matapos mahulog sa two-game losing skid.
Nilasing ng Beermen ang NLEX Road Warriors, 98-89, at Bolts, 110-98, habang tinalo ng Hotshots ang Blackwater Bossing, 106-84, at Converge FiberXers, 83-71.
“This is the all-Filipino, we need to redeem ourselves from our last conference,” sabi ni SMB coach Leo Austria sa kanyang tropa na muling gagabayan nina eight-time PBA MVP June Mar Fajardo, CJ Perez, Marcio Lassiter, Jeron Teng at Mo Tautuaa.
Itatapat ng Magnolia sina Ian Sangalang, Mark Barroca, Zav Lucero, Calvin Abueva at Paul Lee.
“They embraced ‘yung ginagawa namin kung anuman ‘yung system namin ngayon. Bini-build namin ‘yung strength ng depensa namin. I think nagwo-work naman,” pahayag ni mentor Chito Victolero sa Hotshots.
Umiskor naman ang NorthPort ng 97-75 panalo sa Terrafirma kumpara sa Rain or Shine na nakalasap ng 95-109 kabiguan sa NLEX.
“Maganda ball movement namin for this game. We had 27 assists na sana ma-capitalize namin for our next games, especially this coming Wednesday,” ani Batang Pier deputy coach Rensy Bajar sa pagharap nila sa Elasto Painters.
- Latest