Bagong PSA officers manunumpa kay Bachmann
MANILA, Philippines — Si Philippine Sports Commission (PSC) chairman Richard Bachmann ang magsisilbing special inducting officer sa panunumpa ng bagong liderato ng Philippine Sportswriters Association ngayong umaga sa conference hall ng Rizal Memorial Sports Complex.
Pamumunuan ni newly-elected PSA president Francis Ochoa, ang sports editor ng Philippine Daily Inquirer, ang pagluluklok sa bagong grupo ng mga officers at board members ng pinakamatandang media organization sa bansa.
Dalawang taon magsisilbi si Ochoa bilang pangulo ng PSA matapos si Philippine Star sports editor Nelson Beltran.
Idaraos ang induction ceremony matapos ang weekly PSA Forum.
Samantala, magiging panauhin sa pang alas-10:30 ng umagang sesyon ang mga miyembro ng Philippine Lawn Bowls Association para talakayin ang hosting at kampanya ng bansa sa Asian Lawn Bowls Championships.
Makakasama nina Asian Lawn Bowls gold medal winners Rodel Labayo at Rosita Bradborn si Ronalyn Redima Greenlees sa pagtalakay sa event na nakatakda sa Abril 27 hanggang Mayo 4 sa Clark Pampanga.
Ang Forum ay inihahandog ng San Miguel Corporation, PSC, Philippine Olympic Committee, Smart/PLDT, MILO at 24/7 sports app ArenaPlus.
Iniimbitahan nina Ochoa at Beltran ang mga miyembro na dumalo sa sesyon at sa induction ceremony.
- Latest