Lady Altas nagsolo sa itaas
MANILA, Philippines — Muling nasolo ng University of Perpetual Help System DALTA ang top spot matapos walisin ang Emilio Aguinaldo College, 25-18, 25-16, 25-18, sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament kahapon sa Arellano Gym sa Legarda.
Iniligpit ng Lady Altas ang Lady Generals sa loob ng isang oras at 16 minuto para ilista ang malinis na pang-limang sunod na panalo.
Tumikada sina Winnie Bedana at Daizerlyn Joyce Uy ng tig-12 points, habang 10 ang ambag ni Shaila Allaine Omipon para sa Perpetual Help na ipinalasap sa EAC ang ikaapat na kabiguan sa limang salang.
Pakay ng Lady Altas na pahabain ang kanilang winning streak sa anim pagharap nila sa San Sebastian Lady Stags sa Huwebes.
Tiyak na mapapalaban naman ang Lady Generals sa susunod nilang laro sa Letran Lady Knights.
Nasa pangalawang puwesto ang Lady Knights hawak ang 4-0 baraha.
Samantala, pinagulong ng Mapua Lady Cardinals ang Arellano Lady Chiefs, 14-25, 25-23, 25-17, 25-22, sa unang laro.
Lumiyab ang opensa nina Alyana Nicole Ong, Freighanne Seanelle Garcia at Raissa Janel Ricablanca para tulungan ang Lady Cardinals na irehistro ang 3-2 kartada.
- Latest