Ika-2 dikit pakay ng NU sa Ateneo
MANILA, Philippines — Muling sasandalan ng defending champion National University ang duo nina two-time MVP Mhicaela “Bella” Belen at Finals MVP Alyssa Solomon upang ikadena ang pangalawang sunod na panalo pagharap nila sa Ateneo sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan City, ngayong araw.
Magsisimula ang paluan ng NU, (1-0) at Ateneo, (0-1) sa alas-11 ng umaga sunod ang bakbakan sa pagitan ng University of the Philippine at Far Eastern University sa alas-5 ng hapon.
Maagang ipinaramdam ng Lady Bulldogs ang kanilang bangis ng talunin nila sa tatlong sets ang De La Salle University, 25-23, 25-21, 25-18 noong Linggo sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Pero para kay Belen, hindi masyadong plantsado ang kanilang laro, kailangan pa nilang pag-aralan ang kanilang sistema na itinuro ng kanilang bagong head coach na si Sherwin Meneses.
Maliban kina Belen at Solomon, huhugot din ng puwersa si Meneses kina Alexa Nichole Mata at Evangeline Alinsug para makuha ang panalo at manatili sa tuktok ng team standings.
Samantala, nais naman ng Blue Eagles na makabangon agad mula sa pagkakadapa upang manatiling malakas ang tsansa sa kanilang kampanya.
- Latest