Converge sinuwerte kay Rey
MANILA, Philippines — Muling makakasama ni Rey Suerte sina dating Gilas Pilipinas teammates Justine Baltazar, Jordan Heading at Mike Nieto sa kanyang paglipat sa Converge.
Ito ay matapos aprubahan kahapon ng PBA Commissioner’s Office ang isang one-one-trade sa pagitan ng FiberXers at Blackwater Bossing sangkot sina Suerte at BJ Andrade.
Sa pagdating ng 30-anyos na si Suerte, ang No. 2 pick sa 2019 special Gilas draft, ay lalo pang lalakas ang opensa ng Converge para sa darating na PBA Season 49 Philippine Cup na didribol sa Marso.
Ang produkto ng University of the Visayas at University of the East ay nakasama nina Baltazar, Heading at Nieto sa Gilas Pilipinas sa ilalim ni dating head coach Tab Baldwin.
Minalas ang No. 3 FiberXers ni mentor Franco Atienza na makalusot sa No. 6 Rain or Shine Elasto Painters sa kanilang best-of-three quarterfinals ng Season 49 PBA Commissioner’s Cup.
Kinuha ng Converge ang Game One bago inagaw ng Rain or Shine ni coach Yeng Guiao ang Games Two at Three para hamunin ang No. 2 TNT Tropang Giga sa best-of-seven semifinals showdown.
Magsisimula ang semis sa Pebrero 26 tampok din ang duwelo ng No. 1 NorthPort at No. 4 Barangay Ginebra na sinibak ang No. 8 Magnolia at No. 5 Meralco, ayon sa pagkakasunod.
- Latest