NBA All-Star streak ni LeBron nagtapos
MANILA, Philippines — Sa kauna-unahang pagkakataon sa kanyang makulay na karera ay hindi nakapaglaro sa NBA All-Star Game ang superstar forward na si LeBron James ng Los Angeles Lakers.
Napilitang umatras sa naturang midseason spectacle si LeBron dahil sa foot at ankle discomfort, ayon sa kanyang pahayag ilang oras bago magsimula ang All-Star kahapon sa Chase Center sa Golden State, California.
Ang naturang injury ni James ang dahilan kaya hindi rin siya nakalaro sa 124-117 panalo ng Lakers kontra sa Indiana Pacers.
“I was hoping it would feel a lot better this morning, but it was not where I wanted it to be,” ani James.
Nasa kanyang ika-22 NBA season si James at halos walang kupas sa rehistrong 24.3 points sa 51.6% shooting (39.5% from 3) sahog pa ang 9.0 assists at 7.7 rebounds sa 48 na laro mula sa 52 games ng Lakers, na No. 5 seed sa West hawak ang 32-20 kartada.
Si LeBron ang may hawak ng pinakamahabang All-Star streak sa kasaysayan bilang starter sa loob ng 20 sunod na taon. Ito rin ang pinakamaraming All-Star selections sa kasaysayan ng NBA.
Napili si LeBron sa sana ay kanyang ika-21 All-Star selection matapos sumegunda kay Denver Nuggets star center Nikola Jokic sa buong Western Conference.
Siya rin ang sinikwat ni legend Shaquille O’Neal bilang No. 1 pick sa ginanap na drafting bago ang All-Star Game tampok ang bagong format na ginawang mini-tournament.
- Latest