Gilas yuko sa Lebanon
MANILA, Philippines — Bigo ang Gilas Pilipinas na madugtungan ang magandang simula nito matapos lumasap ng 54-75 pagkatalo sa kamay ng Lebanon sa 2nd Doha Invitational Cup na ginaganap sa Qatar University Sports and Events Complex sa Doha, Qatar.
Ilang krusyal na turnovers ang nagawa ng Gilas Pilipinas sa huling kanto ng laro na naging pangunahing dahilan upang malugmok ito laban sa Lebanon.
Nagtala lamang ng dalawang field goals ang Pinoy cagers sa buong fourth quarter.
Sinamantala ng Lebanon ang kaliwa’t kanang turnovers ng Gilas Pilipinas para maitarak ang 24-6 run sa huling yugto upang makuha ang unang panalo nito sa liga.
Parehong may 1-1 marka ang Gilas Pilipinas at Lebanon.
Una nang tinalo ng Gilas Pilipinas ang Qatar sa opening habang yumuko naman ang Lebanon sa Egypt sa kanilang unang asignatura.
Wala pa sa lineup ng Lebanon sina star players Wael Arakji at Omari Spellman.
Nakalikom ang Gilas Pilipinas ng kabuuang 19 turnovers laban sa Lebanon.
Maasim din ang shoo-ting ng Gilas Pilipinas sa three-point area kung saan tanging apat lamang ang kumunekta sa 26 pagtatangka nito.
Nanguna para sa Gilas Pilipinas si naturalized player Justin Brownlee na may double-double na 21 points at 11 rebounds habang nagsumite naman si Calvin Oftana ng 10 markers.
Solido ang ratsada ng Lebanon na nakakuha ng 18 puntos at walong boards mula kay Gerard Hadidian.
Nagtala rin ng parehong 18 puntos si Jhad Khalil tampok ang tatlong tres habang nagsumite si Karim Zeinoun ng 13 puntos.
Nagdagdag pa si big man After Majok ng 12 puntos at siyam na rebounds para sa Lebanon.
Pakay ng Gilas Pilipinas na magarbong tapusin ang kampanya nito kung saan nakatakda nitong makaharap ang Egypt ala-1:30 ng madaling araw ngayong Lunes.
- Latest