Gilas nagparamdam agad sa Doha

MANILA, Philippines — Nagpasiklab agad ang Gilas Pilipinas nang hiyain nito ang host Qatar via 74-71 come-from-behind win kahapon sa 2nd Doha Invitational Cup na ginaganap sa Qatar University Sports and Events Complex.
Nabaon ang Gilas Pilipinas sa 11 puntos sa huling kanto ng laban.
Kaya naman agad na rumesponde ang Pinoy squad.
Naglatag ang Gilas ng 23-11 atake sa likod nina Dwight Ramos, Justin Brownlee at AJ Edu para makuha ang unang panalo nito.
Nanguna para sa Gilas si Dwight Ramos na kumana ng 15 puntos tampok ang tatlong three-pointers kasama pa ang dalawang rebounds at dalawang assists.
Nagdagdag naman si eight-time PBA Most Valuable Player June Mar Fajardo ng 12 puntos, pitong boards at dalawang assists habang naglista si Brownlee ng 10 puntos, limang rebounds at limang assists.
Nag-ambag din si Scottie Thompson ng 10 puntos samantalang nagparamdam si Edu tangan ang anim na puntos at 10 boards.
Solido ang opensa ng Gilas na nakakuha pa ng pitong puntos at limang rebounds mula kay two-time UAAP MVP Kevin Quiambao na miyembro ng Goyang Sono Skygunners sa Korean Basketball League.
Bumandera para sa Qatar si naturalized player Tyler Harris na may 17 puntos mula sa impresibong 8-of-10 shooting samantalang nagsumite naman si Mike Lewis ng 15 markers.
Ilang oras lamang ang magiging pahinga ng Gilas Pilipinas dahil agad itong sasalang sa kanilang ikalawang laro laban sa Lebanon sa alas-6 ng gabi (alas-11 ng gabi sa Maynila).
Nauna nang natalo ang Lebanon sa Egypt sa kanilang unang laro sa iskor na 70-82.
- Latest