Highrisers itinumba ng Gazz Angels

MANILA, Philippines — Hinataw ng Petro Gazz ang pang-walong sunod na panalo matapos walisin ang Galeries Tower, 25-18, 25-18, 25-22, sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Pumalo si Myla Pablo ng 17 points mula sa 13 attacks, tatlong service ace at isang block para sa 9-1 baraha ng Gazz Angels at patuloy na solohin ang second spot.
Nagdagdag si Fil-Am Brooke Van Sickle ng 15 markers habang may 12 points si veteran Aiza Maizo-Pontilla.
Laglag ang Highrisers sa pang-limang dikit na talo para sa 1-9 kartada.
Sa kabila ng arangkada ay may mga bagay pang dapat ayusin ang Petro Gazz, ayon sa 36-anyos na si Maizo-Pontillas.
“Sobrang marami pang miscommunication at iyon pa ang kailangan naming i-improve,” wika ng veteran opposite spiker. “Kailangan pa naming gandahan pa lalo iyong mga iginagalaw namin.”
“Siguro kailangan pa naming maging consistent lagi sa game namin at bawasan pa namin iyong mga errors namin,” dagdag pa ng dating national team member.
Pinamunuan ni Jho Maraguinot ang Galeries Tower sa kanyang 12 points habang may 11 excellent sets si setter Julia Coronel at 15 excellent digs si Alyssa Eroa.
Sa first set, bumangon ang Highrisers mula sa 6-15 pagkakabaon para makadikit sa 14-17.
Nagtuwang sina Maizo-Pontillas, Van Sickle at MJ Phillips para ibigay sa Gazz Angels ang 25-18 panalo.
Lumaban din nang husto ang Galeries Tower sa second frame kung saan dumikit sila sa 8-9 bago bumanat sina Pablo, Phillips at Van Sickle para sa 2-0 bentahe ng Petro Gazz.
Muling nakabawi ang Highrisers mula sa 18-21 agwat para makalapit sa 22-23 sa likod nina Maraguinot at Roselle Baliton kasunod ang dalawang puntos ni Pablo para sa pagtakas ng Gazz Angels.
- Latest