UST, FEU unahan sa unang panalo sa UAAP Season 87

MANILA, Philippines — Mananatiling mabangis ang University of Santo Tomas pagharap nila sa Far Eastern University sa pagsisimula ng 87th season ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) women’s volleyball tournament ngayong araw sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Magsisimula ang paluan ng UST at FEU sa alas-3 ng hapon pagkatapos ng bakbakan sa pagitan ng University of the East at University of the Philippines sa ala-1 ng hapon.
Nabawasan ng matinding armas ang Season 86 runner-up dahil nagkaroon ng injuries sina Jonna Perdido at Xyza Gula.
Pero para kay head coach Emilio ‘Kungfu’ Reyes Jr. matatalas pa rin ang mga kuko at pangil ng Golden Tigresses at handa silang mangalmot at manakmal upang sikwatin ang inaasam na korona.
Maliban kay reigning Rookie of the Year at 2nd Best Outside Hitter Angeline ‘Angge’ Poyos, huhugot ng puwersa si Reyes sa kanyang rookies na sina Marga Altea, Ashley Knop, Kyla Cordora at Maribeth Hilongo.
“Sina Altea, Cordora, Knop, at Hilongo. Iyon ang talagang inaasahan namin na mag-rise from the ranks,” sabi ni Reyes sa naganap na Season 87 Collegiate Volleyball press conference noong Huwebes sa MOA Arena.
Inamin ni Reyes na naka-move on na ang buong team na hindi makakalaro sa buwan na ito ang lefty spiker na si Perdido at ang high-flyer hitter na si Gula.
Subalit sinabi niya na maganda ang naging training ng kanyang mga bataan.
“Maganda naman preparation and with regarding sa injuries mahaba ang time para makapag-adjust. May mga player naman na ready mag-step up at naka-prepare kasi nga nangyari ang mga injury ng November at December,” ani Reyes.
Naniniwala rin sina co-captains Detdet Pepito at Regina Jurado na kaya nilang lumaban ng sabayan kahit mga key players ang nawala sa team.
Unang panalo rin ang hangad ng UP at UE sa unang laro.
- Latest